Natagpuan ang bangkay ng isang bagong silang na lalaking sanggol sa basurahan malapit sa palengke ng Barangay Dela Paz, Antipolo City, noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Police Captain Carlo Tamondong ng Antipolo Police, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen bandang alas-10:30 ng umaga, Disyembre 14. “May tumawag sa amin hinggil sa natagpuang bangkay ng isang sanggol. Ayon sa nag-report, nakita ng mga nangangalakal ng basura ang sanggol na wala nang buhay, nakalagay sa karton at binalot ng damit at tuwalya,” ani Tamondong.
Isa sa mga unang nakakita sa bangkay ay si Ronnie Lagata, isang tricycle driver sa lugar. Aniya, isang nangangalakal ng basura ang lumapit upang humingi ng tulong matapos madiskubre ang bangkay. “May nakita po siyang bag. Nang buksan ito, may laman itong plastik at binalot pang damit. Nang binuksan ang plastik, doon na nakita ang sanggol na medyo may amoy na. Kaya agad kaming tumawag ng pansin,” sabi ni Lagata. Dagdag pa niya, “Sariwa pa ‘yung sanggol pero mangangamoy talaga dahil binalot siya ng damit at may dugo pa.”
Makikita sa CCTV na agad rumesponde ang mga opisyal ng barangay. Nilipat nila ang bangkay sa karton bago ito isinakay sa barangay mobile. Nailibing na ang sanggol sa Antipolo City Public Cemetery.
Patuloy na nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad upang matukoy ang responsable sa krimen. Sinabi ni Tamondong na sinumang mahuhuling sangkot ay mahaharap sa kasong infanticide.
Nanawagan ang Antipolo Police sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon. “Makipag-ugnayan po kayo sa amin kung mayroon kayong nalalaman tungkol sa insidente. Mahalaga ang inyong tulong upang makamit ang hustisya para sa sanggol,” apela ni Tamondong.
SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER
Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.