Nanindigan ang Department of Education (DepEd) laban sa panawagang “academic freeze” sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 sa kadahilanang hindi daw maaaring mahinto ang pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, mahuhuli ang mga estudyante sa Pilipinas sa mga estudyante sa ibang bansa kung magpapatupad ang Pilipinas ng academic freeze ang pamahalaan.
“Hindi puwedeng abalahin ang pagbibigay ng pagkakataon sa kabataang Pilipino na patuloy na matuto kahit may COVID-19,” ani San Antonio sa isang panayam sa ABS-CBN Teleradyo.
“Alalahanin natin na ang lahat ng karatig-bansa natin ay nagsisimula na at tayo na ang pinakahuli,” dagdag niya.
Ayon naman sa National Union of Students of the Philippines, dapat tiyakin muna ng pamahalaan ang kahandaan ng bansa para sa pagbubukas ng klase.
“Gusto natin makita ang pinanggagalingan ng mga etudyante kung bakit nila kino-call ang academic freeze at bakit sa mga konsultasyon sa mga student council, student orgs doon natin nakita na naniniwala ang mga estudyante at mga magulang at teachers na sa ngayon, kung iche-check lang ang mga paghahanda ay kailangan talagang mag-double time,” ani Raoul Manuel, presidente ng National Union of Students of the Philippines.
Nauna nang inurong ng DepEd ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Okt. 5 sa halip na Agosto 24 upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga paaralan, mga guro, at mga estudyante upang maghanda.
Sa ngayon aniya, nasa 80 porsiyento na ang kahandaan ng DepEd sa pagbubukas ng klase sa Okt. 5.
SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER
Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.