Skip to content

Pahayag ng ACT-Philippines "Ibasura ang pahirap na RPMS-PPST!"


Nagbigay pahayag ang Alliance of Concerned Teacher –  Philippines ukol umano sa nagiging pabigat sa mga guro na RPMS-PPST. Basahin ang buong artikulo.
May isang linggo nang tapos ang klase pero hindi pa rin makapagpahinga ang public school teachers. Maliban sa kabi-kabilang forms, mabigat na pasanin ang pagkumpleto sa portfolio para sa Individual Performance Commitment and Review Form (IPCRF) para sa evaluation system na Results-based Performance Management System – Philippine Professional Standards for Teachers (RPMS-PPST).
Sapul nang i-roll out sa mga paaralan ang RPMS-PPST noong Agosto 2018, mariing tinutulan ito ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Pinalala nito ang dati nang masahol na RPMS na sinimulang ipatupad noong 2015. Nakita ng ACT ang di-makatarungang bigat ng paperworks at gastos na kaakibat ng bagong patakaran, bukod pa sa pagsasalang sa mga guro sa quarterly observations.
Sentrong panawagang dinala ng ACT ang pagbasura sa RPMS-PPST sa pagkilos sa central ofice ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng Teachers’ Month noong Setyembre 2018. Ang sigaw ng public school teachers—guro kami, hindi makina! Upang pahupain ang diskontento ng kaguruan, naglabas ng sarbey ang ahensya na kinuhang pagkakataon ng ACT upang ilabas ang hinaing ng guro sa patakaran.
Itinanggi ng DepEd na magiging pabigat sa guro ang RPMS-PPST. Hindi lamang umano naging malinaw at sa halip naging iba-iba ang paliwanag at interpretasyon sa pagpapatupad ng patakaran. Nangako itong maglalabas ng iisang gabay sa implementasyon ng RPMS-PPST. Ipinain din ang promosyon para tanggapin ng kaguruan ang patakaran.
Ilang serye ng dialogo sa DepEd ang isinagawa ng ACT upang muli’t muling irehistro ang pagtutol sa patakaran. Maging sa mga ipinatawag na training sa kumperensya ng ahensya ay pinepresyur ng ACT ang DepEd na iatras ang patakaran. Nagmatigas ang DepEd at sinabing susi umano ang RPMS-PPST upang pataasin ang kalidad ng pagtuturo at edukasyon sa pampublikong paaralan. Naglabas ito ng gabay sa pagpapatupad ng RPMS-PPST at nangakong tatasahin ang patakaran makalipas ang isang taon kunsaan makakalahok umano ang mga guro sa pagtatasa.
Patunay ang hirap na dinaranas ng kaguruan ngayon na walang-saysay ang mga pangako ng DepEd na pagaanin ang implementasyon ng patakaran. Sa halip na makapagpahusay sa pagtuturo, nagiging balakid ito dahil nakukuha ng paperworks ang mahalagang oras ng guro na sana’y inilalaan sa paghahanda sa mga leksyon. Ngaon, kinukuha nito ang tanging panahon upang makapagpahinga ang mga kaguruan na walang sick leave o vacation leave credits.
Bukod sa pagiging pabigat at pahirap, hindi makatarungan ang RPMS-PPST. Lubhang mahigpit nitong sinusukat ang paggampan ng kaguruan na tinambakan na nga ng mga gawaing lampas sa orihinal nilang mga responsibilidad. Ipinakakargo nito sa kaguruan ang pananagutan sa de-kalidad na edukasyon, samantalang malala ang mga kakulangan sa pasilidad, kagamitan, at pondo sa edukasyon. Anong kalidad ng edukasyon ang maaasahan sa mga klaseng bumibilang ng 50 hanggang 60 mag-aaral? Anong 21st century education ang aasahan sa mga silid-aralang walang ICT equipment? Anong kalidad ang aasahan sa dispalinghadong kurikulum ng K to 12?
Hindi akmsa sa pampublikong edukasyong may oryentasong serbisyo ang balangkas at mga panukat ng RPMS-PPST na nakasunod sa pribado at negosyong balangkas ng pagpiga ng lakas paggawa para sa pinakamaraming output o produkto. Bulag ang RPMS-PPST sa reyalidad ng sistema ng edukasyon sa bansa at sa dulo’y ipinapasa sa kaguruan ang sisi sa mga problema nito.
Nananatili ang tindig at laban ng ACT para ibasura ang RPMS-PPST. Bilang pederasyon ng mg unyon ng kaguruan sa buong bansa, pinamumunuan nito ang laban ng pampublikong guro laban sa mapaniil na patakaran at para sa mas mahusay na kalagayan sa trabaho. Nasa matatag na paninindigan ng bawat guro, sa ating pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang pagsulong ng ating laban. Patuloy nating ipamukha sa DepEd ang pagpapahirap ng RPMS-PPST at kawalang-saysay nito para pahusayin ang pagtuturo sa bansa. Sama-sama nating itulak ang ahensya na dinggin ang kaguruan at ibasura ang pahirap na patakaran.

The ultimate evidence that the system works is manifested by the learners not by the documents. Yan ang tunay na outcomes-based.
-Obie

(Photo: Sunrise Protest | 05 September 2018, DepEd Central Office)


SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER



Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.



RECOMMENDED


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *