Skip to content

Patay na Sanggol na Inilagay sa Kahon at Mistulang Parcel, Natagpuan sa Basurahan sa Antipolo


Isang bagong silang na sanggol na walang buhay ang natagpuan sa isang basurahan sa Antipolo, Rizal, noong Martes ng madaling araw, ika-18 ng Marso, 2025. Ayon kay Leilani Reyes, ang Violence Against Women and Children Officer ng Barangay San Jose, itinago ang sanggol sa isang plastik at inilagay ito sa isang kahon na ikinover gamit ang packing tape, na nagbigay itsura na parang parcel ang sanggol.

“Ang bata po ay parang isang parcel na nakabalot sa kahon. Nakita ko po na ang bata ay nakabalot pa sa plastic labo at tinanggal po ito, pinunit, at inayos siya sa loob ng kahon, na kung saan ang kahon ay naka-seal pa ng packing tape,” pahayag ni Reyes.

Sa mga unang detalye mula sa imbestigasyon ng Barangay San Jose Public Safety Office, lumabas na ang sanggol ay isang batang babae na may edad na anim hanggang pitong buwan. Ayon kay Irene Favor, isa ring Violence Against Women and Children Officer ng Barangay San Jose, ang sanggol ay buo na at maaaring mabuhay kung nabigyan ng tamang pangangalaga.



“Nasa 6-7 buwan po siya. Kung nabigyan lang ng pagkakataon, ang bata po ay pwedeng mabuhay,” ani Favor.

Nakuha ng barangay ang CCTV footage mula sa isang gusali kung saan natagpuan ang sanggol, at makikita sa video ang ilang tao na nagtapon ng basura sa lugar bandang alas-tres ng madaling araw ng Martes. Ngunit hindi pa tiyak kung sino sa mga ito ang nagdala ng kahon na naglalaman ng sanggol.

Inaasahan na ang Barangay Public Safety Office (BPSO) ang magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa insidente. Posible umanong magsampa ng kaso laban sa ina ng sanggol o sinuman ang napatunayang nag-abandona sa bata.

Nagbigay naman ng mensahe ang mga opisyal ng VAWC sa mga kababaihan na hindi handa sa pagiging magulang: iminumungkahi nilang ipasa ang bata sa DSWD para ipa-ampon kaysa itapon o ipalaglag ito. “Sa mga nanay na hindi ready, huwag nilang hayaang itapon o ipalaglag ang kanilang anak. Kung hindi nila kayang buhayin, maaari nilang dalhin ang bata sa DSWD para ipa-ampon,” paalala ni Reyes.




SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER



Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.



RECOMMENDED


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Feedback