Skip to content

Mga guro sa San Juan, bibigyan ng laptop


Bibigyan ng mga laptop ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng San Juan bilang tulong sa darating na balik-eskwela sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.

San Juan City Mayor Francis Zamora (Screengrab from Facebook Live)

Bawat guro ay makakakuha umano ng 1 laptop, ayon kay San Juan Mayor Francisco Zamora.

“Ang bawat isang public school teacher natin dito sa San Juan ay may sariling laptop na rin,” ani Zamora sa isang Facebook live.



“Ito ay bahagi ng programa ‘Makabagong San Juan’ kung saan nangako ako noon na tayo ay magiging smart city,” dagdag niya.

Samantala, nasa 11,000 tablet naman ang ipamimigay sa mga pampublikong paaralan para sa darating na pagbubukas ng klase.

Bahagi ang pamimigay ng mga gadget sa kasunduan ng lungsod at ng Department of Information and Communication, ayon sa alkalde.

“Tayo po ay nagkaroon ng kasunduan kasama ang Department of Information and Communication (DICT) kung saan ang San Juan po ay bibigyan ng 11,000 tablets para sa ating public schools,” ani Zamora.



Ang Pinaglabanan Elementary School sa lungsod ang unang gagamitin umano para sa digital learning initiative ng DICT.

“Ang Pinaglabanan Elementary School naman po ay magiging pilot school kung saan 1,500 laptops naman po ang makukuha nila,” aniya.

Sinigurado naman ni Zamora sa mga residente ng San Juan na lahat ng guro at estudyante sa mga pampublikong paaralan ay magkakaroon ng laptop at tablet na gagamitin para sa pagtuturo at pag-aaral.

Nauna na rin pumirma ang pamahalaang lungsod ng San Juan at DICT ng isang kasunduan para sa programang libreng WiFi sa mga pampublikong lugar sa lahat ng barangay.



Kabilang sa mga lugar na lalagyan ng libreng WiFi ay ang mga barangay hall, health center, at pampublikong paaralan.

“Meron na tayong government powered na free wifi access at tie ups with private telecommunication corporations na talagang magiging maganda ang kalalabasan ng ating po pagiging smart city patungkol sa pag-aaral ng ating kabataan,” ani Zamora.


SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER



Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.



RECOMMENDED


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *