Ang DepEd ay nagbigay ng update sa remote enrollment na magsisimula bukas June 1, 2020. Ilan sa nabanggit ay ang hindi kailangang pumunta sa paaralan para mag enroll, kokontakin nalang ng adviser ang mga magulang ng mag-aaral.
Basahin ng buo para malaman ang mahahalagang detalye ukol sa pag uumpisa ng enrollment. Sa dulo ay mga contact details para sa ibang katanungan.
Mayo 31, 2020 – Bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, handa nang isagawa ng Kagawaran ng Edukasyon ang remote enrollment na magbubukas sa Lunes, Hunyo 1, 2020.
Ngayong taon, hindi kinakailangang pisikal na magtungo ang mga magulang at mag-aaral sa paaralan para sa enrollment upang patuloy na mapairal ang physical distancing at health standards ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa halip, ang mga magulang ng mga papasok na Grade 1 to 12 learners ay kokontakin ng kanilang adviser mula sa nagdaang taon para sa remote enrollment. Maaari ring ang magulang o taga-pangalaga ang tatawag o kokontak sa adviser, sa pamamagitan ng mga numerong nilaan ng paaralan para sa enrollment procedures.
May mga enrollment focal person (EFP) din na tatanggap ng tawag at sasagot sa mga katanungan ng mga magulang ng Kindergarten, transferees, Balik-Aral, at ALS learners sa bawat paaralan. Maglalabas ang DepEd field offices ng listahan ng contact information ng mga paaralan.
Bago pa man ang June 1, nakapagsagawa na rin ang DepEd ng apat na national orientation upang ipaunawa sa mga magulang, kaguruan at mga opisyal ng kagawaran sa ibat ibang antas ang alituntunin sa isang buwang enrollment period. Nag labas na rin ang kagawaran ng mga FAQs upang mabilis na maunawaan ang mga katanungan ukol sa enrollment guidelines.
Kasabay ng unang araw ng remote enrolment, isasagawa rin ng DepEd ang virtual launch ng 2020 Brigada Eskwela (BE) at Oplan Balik Eskwela (OBE) upang tumulong sa mga paaralan at stakeholder sa enrollment at paghahanda sa darating na pagbubukas ng klase.
Ang 2020 BE at OBE na may temang na “Pagpapanatili ng Bayanihan Tungo sa Kalidad na Edukasyon para sa Kabataan” ay pagpapakita ng pinagsama-samang kontribusyon at pagsisikap ng mga stakeholders upang magbigay tulong sa paaralan at komunidad na nakaayon sa Basic Education-Learning Continuity Plan ng Kagawaran.
Nakatuon ang Brigada ngayong taon sa paghihikayat ng mga partners para matiyak na may angkop naa kagamitan para sa ligtas at matiwasay na pagsasagawa ng iba’t-ibang uri ng distance learning.
Maglalagay rin ng mga Public Assistance Command Centers (PACC) sa central, regional, at schools division level sa buong bansa upang makatulong sa enrollment at pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Para sa iba pang katanungan tungkol sa enrollment at iba pang programa ng DepEd sa darating ng school year, maaring tumawag sa telephone numbers (02) 8636-1663; (02) 8633-1942; mobile phone numbers 0919-456-0027; 0995-921-8461; o mag-email sa [email protected]. Maari ring magpunta sa www.deped.gov.ph/obe-be para sa mga FAQs ukol rito.
Source: DepEd
SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER
Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.