Inihahanda na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagkakaroon ng libreng WiFi sa mga paaralan sa bansa kabahagi ng pagsusulong ng pamahalaan ng “blended” learning dahil sa krisis dulot ng COVID-19.
Sa ulat na isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso nitong Lunes, sinabi niyang nakikipag-ugnayan na umano ang DICT sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd), at mga pampublikong paaralan, kolehiyo, at unibersidad para sa libreng WiFi.
Dagdag pa ng Pangulo, ang libreng WiFi ay bahagi ng DICT Memoramdum “Providing Adequate Free WiFi/Internet Access and connectivity for Public Educational institutions.”
Matatandaang ipinagbawal ni Pangulong Duterte ang mga pisikal na klase hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19. Siniguro naman ng DepEd na susunod sila sa utos ni Pangulong Duterte.
BASAHIN: DepEd assures no face-to-face classes until vaccine is available
Inaasahan ng DepEd na tataas ang paggamit ng DepEd Commons, ang online platform nito para sa mga virtual classes at para sa kopya ng mga module, sa pagsisimula ng klase dahil sa krisis dulot ng COVID-19.
“Dito ilalagay ‘yung mga lessons, exams at tips for teaching. Ang parents naman masusundan din ang lessons ng kanilang mga anak,” ani DepEd Secretary Leonor Briones.
Dagdag pa ni Briones, sisiguraduhin ng DepEd na may sapat na gadget ang mga guro at estudyante para magamit ang DepEd Commons.
Sa katapusan ng taon, inaasahan ng DepEd na mayroon itong 475,650 na tablet, 634,877 na desktop computer para sa 21.4 milyon na estudyante sa mga pampublikong paaralan, at 190,574 na laptop para sa mga guro.
Ngunit paglilinaw ng DepEd, hindi lamang online ang magiging paraan ng edukasyon sa ilalim ng “blended” learning.
Gagamit din umano ng telebisyon, radyo, at mga printed na module ang mga estudyante para sa pag-aaral nila upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa ngayon, patuloy ang remote enrollment para sa pagbubukas ng klase sa ika-24 ng Agosto.
Ang mga kolehiyo at unibersidad naman ay pinapayagan ng CHEd na magsimula ng klase depende sa paraan ng pagtuturo.
SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER
Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.