Mahirap tanggapin, ngunit isang nagdudumilat na katotohanan, na ang mga tao sa isang bansang hindi nagkakaunawaan lalo pa’t ang salita ang nasasangkot, ay nahaharap sa isang pagdarahop at kakulangan upang umunlad.
Maitatanong natin – ano ba ang wika? Bakit mukhang napakahalaga nito? Bakit kailangang may wikang sarili ang alinmang bansang nagtamao ng kasarinlan? Napakaraming bakit na sa wari ay tila wala nang kasagutan.
Mahihinuhang ang bawat tao ay may sariling wika. Ang wikang ito ang ginagamit niya sa pakikipamuhay sa kanyang mga kalahi. Sa pamamagitan ng kanyang wika ay naipapahayag niya ang kanyan adhikain, kaisipan, damdamin, saloobin, pangarap, imahinasyon, at pagpapasya.
Samakatwid, masasabing ang wika ang pnakakaluluwa ng isang bansa. Dito masasalamin ang mga tradisyon, kaugalian, kilos, gawi, at kabihasnan ng isang lahi. Ito’y isang mabisang paraan ng pakikipag-ugnayan, pakikitungo, pakikisalamuha sa kapwa nilalang, sa kapaligirang kanyang ginagalawan at kinabibilangan.
Naaalala ko pa noong panahong patungo pa lamang ako sa Bukidnon. Labis-labis ang pag-aalala sa akin ng aking mga kaibigan, kamag-anak, lalo na ang aking mga kapatid at magulang. Bakit daw ako pupunta pa ng Mindanao samantalang may maganda na akong trabaho? Aanhin ko raw ang bagong kapaligiran na hindi ko man lamang kabisado ang gawi ng mga tao, at hindi raw ako marunong ng kanilang salita? Sa lahat ng kanilang mga pag-aalala at agam-agam, ngiti lamang ang aking itinugon at ang munting katagang “Paris ko rin silang Pilipino.” Subalit totoo nga ang wika nilang mahihirapan ako, dahil pagdating ko pa lamang sa pier ng Cagayan de Oro City, wala ni isa sa aking nakausap ang marunong at nakakaunawa ng wikang pambansa. May mangilan-ngilang nakaiintindi ng Ingles, ngunit maliban doon ay wala na. Buhat noon, sinimulan kong pag-aralan ang salitan Bisaya sa pamamagitan ng paglilista ng bawat salita at pagpapasalin nito sa Filipino, kung di naman ay titingnan ko sa diksyunaryo.
Sa karanasan kong ito, matatanto at mahihinuha ninyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wika na mauunawaan ng lahat.
Nais kong balikan sa gunita at ipaalala sa inyong lahat na maging noong unang panahon, ang ninuno nating si Raha Lapu-lapu ay gumamit na ng isang salitang nauunawaan ng kanyang kapwa Filipino, kung kaya’t naibagsak nila ang lakas, puwersa, at kapangyarihan ni Magellan.
Sa panahon naman ni Andres Bonifacio, ginamit nila ang panitikang “Alibata”, ang sinaunang panitikang Filipino na tanging mga Filipino lamang ang nakauunawa, isang panitikang maipagkakapuri at maipagmamalaki natin sa buong mundo, ang tunay na wikang Filipino.
Hindi mabubuo ang aking mensahe kung hindi ko babanggitin sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Juan Luna, at iba pang mga bayani ng lahi na kinilala hindi lamang sa ating bansa kundi sa lahat ng bansa sa daigdig dahilan sa kanilang angking katalinuhan sa larangan ng pakikibaka, na lakas ng bisig at panulat ang ginamit, at higit sa lahat … sa pagpapalaganap ng wikang umantig sa kaibuturan ng puso ng mga Filipino, na nagsilbing daan upang mag-aklas sila laban sa mga dayuhang umalipin at yumurak sa dangal ng mga Filipino.
At hindi naman sila nabigo. Lumaya ang Pilipinas sa kamay ng malulupit na mga dayuhan. Ngunit nagkaroon ng sagwil at balakid ang mga tao sa larangan ng pakikipagtalastasan. Ito ay sanhi ng mahigit sa 86 na diyalekotng ginagamit sa buong kapuluan. Salamat at minabuti ni Kgg. Manuel L, Quezon, ang tinaguriang “Ama ng Wikang Filipino” na noon ay siyang Pangulo ng Malasariling Pamahalaan, na linangin ang isang wika na siyang gagamitin ng sambayanang Filipino. Dahil ditto, napagkasunduan ng Kongreso ng Pilipinas at sa tulong ng Surian ng Wikang Pambansa, pinagtibay nila na Tagalog ang maging batayan ng wikang pambansa, sa kadahilanang: (1) sinasalita na ito nang karamihan sa mga mamayan; (2) karamihan sa ating matandang panitikan ay nasulat sa Tagalog; (3) Tagalog ang gamitin sa sentro ng pangangalakal at edukasyon.
Sabihin pa, ang isang bansang malaya at nagsasarili ay nararapat lamang magtaguyod at gumamit ng isang wika sapagkat dito nakasalalay ang pagsulong at pagunlad ng bansa sa larangan ng ekonomiya, industriya, pangngalakal, at iba pa.
Matatandaang sa loob ng ilang panahong nakalipas, ang ating mga kalahok sa mga timpalak-kagandahan ay gumamit ng Wikang Filipino sa pagpapakilala ng kanilang sarili. Sa aminin natin o hindi, mas ang nadama nating kasiyahan sapagkat wikang sarili ang kanilang ginamit, at kay tamis pakinggan ng sariling wikang namutawi sa kanilang bibig. Wika nga ay para tayong idinuduyan sa ulap ng kaligayahan sa nadarama nating pagmamalaki. Bukod doon, kaagad na nalaman nating sila ang ating kalahok, na Filipino sila.
Mapapansin na ginamit na rin sa mga palimbagan ang Wikang Filipino, gayundin sa pamamahayag, mga selyo, at iba pa. Maging ang Pangulo ng bansa ay Wikang Filipino na rin ang ginagamit sa pakikipag-ugnayang diplomatiko. Hindi maitatatwang maging ang mga diplomatikong Ruso na dumalaw sa bansa ay buong tatas na nagsalita ng Wikang Filipino. Maging ang “Radio Peking” na isang dayuhang palatuntunan sa radio ay tunay na nabighani sa tamis ng ating wika, kung kaya kahit na pagaril, sinisikap nilang makapagsalita ng Filipino upang maipaabot sa atin ang kanilang intensiyong makapag-ugnayan.
Nakakataba ng puso na ang sariling wika natin ay ginagamit ng mga dayuhan sa pakikipagtalastasan sa atin.
Hindi natin maikakaila na sa paglaganap ng ating Pambansang Wika, umunlad at yumabong na kasabay nito ang ating kultura. Sinasabing ang kultura ng isang bansa ay binubuo ng kanyang katutubo at katangi-tanging kaugalian, tradisyon, paniniwala, at mga batas. Pinatibay rin nito ang bigkis ng damdamin ng pagkakaisa at pagtutulungan. Kultura ang nagpapahayag ng pagkakaiba ng isang lipi sa ibang lahi.
Matatandaang kamakailan lamang, tumulak si Liza Macuja at ang kanyang tropa patungo sa Alemanya upang palaganapin ang ating kultura. Oo nga at ballet ang sayaw ngunit ang ipinamamalas naman ay pawing mga kulturang Filipino, katulad ng sa Ifugao, Igorot, Katagalugan, Manobo ng Bukidnon, Muslim, Saranggani, at iba pang pangkat ng mga katutubo na pawing mga Filipino.
Magugunita pa rin natin na kinilala ang matagumpay na “Mabuhay Singers,” “Philippine Symphony Orchestra,” “Bayanihan Dance Troupe,” “Reychard Duet.” At maging ang mga mang-aawit nating solo kung kumanta, katulad nina Palita Corrales, Kuh Ledesma, Carmen Soriano, at iba pa ay kinilala bilang mga international singers. Hindi rin pahuhuli ang ating mga artista sa pelikula. Marami na rin sa kanila ang kabilang sa pandaigdigang samahan. Hindi rin naman pahuhuli ang ating mga batiking pintor, iskultor, dibuhista, makata, manunulat, at iba pa na nasa ibang larangan.
Kung maibabalik lang natin ang kamay ng panahon, malilimi natin na ang pinagmulan at ang kasalukuyang lakad at hilig sa panitikan nating mga Filipino ay nagsimula sa ating matandang kabihasnan, bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan.
Ang kultura’y mabisang kasangkapan sa pambansang pagkakaisa. Dito naipahahayag ang tunay na diwa ng pakikipag-asahan sa kapwa. Ito’y gamit sa pambansang pakikipag-unawaan sa ating mga rehiyon, gayundin sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Ilang halimbawa nito ay ang pagtatanghal ng ating mga kaalamang-bayan sa loob at labas ng bansa. Naging kilala ang mga Pilipino dahilan sa pagpapalaganap natin sa kulturang ito na kinabibilangan ng mga epiko, alamat, awiting bayan, salawikain, bugtong, palaisipan, balagtasan, tula, awit, at ugali. Kabilang din dito ang mga katutubong sayaw, pamahiin, ritwal, at paniniwala na lalong nagpapatingkad at nagbibigay-kulay sa kulturang Pilipino.
Tantong kailangan ang pambansang wika, ang pambansang kultura. Dahil dito kaya tayo ay may pambansang pagkakakilanlan – ang palatandaang “Tatak Filipino.”
Huwag nating kalilimutan ang ating kultura at pinagmulan. Lingunin natin ang nakalipas sapagkat ang alinmang lahing marunong magpahalaga at gumalang sa kanyang lumipas ay iginagalang ng ibang bansa. Salaminin natin ang magagandang halimbawa ng ating mga ninuno at bayani. Ang bansang may dakilang kasaysayan at may marangal na kahapon ay hindi mapapawi sa mapa ng daigdig.
Kayo, bilang mga kabataang Pilipino, hinahamon ko kayo! Ano ang maitutulong ninyo sa ikauunlad at pagpapalaganap ng ating wikang pambansa at kultura?
Bilang pahimakas, nawa’y tumimo sa ating mga puso at isipan ang kahalagahan at kagandahan ng ating wikang pambansa at kultutra, na kahit saan tayo makarating, ang ating pagka-Pilipino ang ating iisipin at ipagmamalaki.
Josefina A. Lagamia-Corpuz
Mababang Paaralan ng Musuan
Maramag, Bukidnon
SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER
Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.