Skip to content

Sampung Dahilan Kung Bakit Dapat Pasalamatan Si Titser

  • by

Sinulat ni John Kevin T. Garcia

Sampu. Sampung buwan niyang titiisin ang buong ikaw. Ang kadaldalan mo. Ang hindi mo pakikinig. Ang laging pagliban mo sa klase. At ang walang katapusan mong dahilan kung bakit ka lumalagapak sa mga quizzes, activities at performance. Isipin mo, titiisin ka niya lahat ng iyon sa loob ng sampung buwan. Kaya umayos ka!

Siyam. Para silang pusa na animo’y siyam ang buhay. Kahit di kayang pumasok, papasok pa din. Kahit na nilalagnat at inuubo sige pa rin. Tuloy ang laban dahil alam nilang may iilan sa inyong naghihintay at umaasang matututo sa kanila.



Walo. Walong beses siyang magtitiis. Walong beses ka niyang kukulitin na ika’y magpass na ng project upang kahit papaano ay pumasa ka naman. Walong beses ka niyang pagsasabihan na ayusin mo. Pero madalas paaasa ka lang. Pero tiis pa rin. Parang walo, infinite.

Pito. Pitong ulit niyang sasabihin sa’yo na kaya mo. Na hindi hadlang ang pinagdadaanan mo para hindi maabot ang mga pangarap mo. Pitong beses ka niyang tutulungan tumayo upang ika’y magpatuloy. At sa kabila ng mga pagkukulang mo sa kanya, perpekto pa rin ang tingin niya sayo na kaya mo.

Anim. Anim na oras siyang nagsasalita habang nakatayo, samantalang ikaw hindi maawat sa likod sa kakadaldal. Tagaktak ang kanyang pawis dahil sa init ng silid. Tapos kadalasan ay putak lang ang iyong igaganti.

Lima. Limang araw sa bawat linggo’y pinapanalangin ika’y hindi liliban. Ngunit madalas Ang komputeran ang ginawang eskwelahan. Yan na ba ang pinaniniwalaan ng ating pambansang bayani? Na kayo ang pag-asa ng ating bayang naghihinagpis?



Apat. Apat na “quarter” ka niyang aalalayan. Tutulungang humakbang patungo sa magandang kinabukasan. Pag ika’y lumiliban na maraming beses, home visition ang ganapan. Lalakbayin at susuungin ang lahat para ika’y mapuntahan.

Tatlo. Tatlong salitang hindi madalas sabihin. Ngunit ito’y araw araw pinapadama sa iyong damdamin . Sa kabila ng sakit ng ulo, loob, pasakit, hindi pagsunod, pagsagot ng pabalang, ay isang mapaghal na puso na handang umintindi sa kabila ng iyong pagkukulang. Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi lang dinadaan salita, ito rin ay pinapadama.

Dalawa. Pangalawang magulang mo sila. Magulang na handang magmahal para sa kanilang mga anak.

Isa. Isang bayaning maituturing. Isang huwarang karapatdapat tularan. Hagdan na kaagapay ng kinabukasan. Tulay patungo sa pag asa. Isang gurong nagmalasakit upang ika’y matuto sa tunay na laban ng buhay. Isang gurong umagapay. Isang gurong iyong naging kaibigan. At higit sa lahat isang gurong tunay na nagmahal sa’yo na walang inaasahang kapalit. Hindi pa ba sapat ang mga dahilan na iyan upang iyong ibigay ang ISANG matamis at taos pusong pasasalamat para sa kanya?




SIGN UP TO DEPED TAMBAYAN NEWSLETTER



Join our Facebook Community and meet with fellow educators. Share and download teaching materials. Get important updates and read inspiring stories.



RECOMMENDED


1 thought on “Sampung Dahilan Kung Bakit Dapat Pasalamatan Si Titser”

  1. Para sa akin sila ang humuhubog sa karamihang bayani na naglilingkod ngayon sa bayan.Hindi magiging doktor,nars,pulis,sundalo at anumang posisyon kung wala ang mga gurong unang nagsusunog ng kilay upang may maitatak sa isip ng bawat bata.Karapat dapat silang ikarangal at igalang ninuman.Sa mga naging guro ko sa elementarya,
    Als(Alternative Learning System)Maraming salamat po,saludo po ako sainyo at palagi nandito kayo sa puso ko.Mabuhay po kayo!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *